Ikinatuwa ng isang labor group ang bahagyang pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa bansa.
Pero ayon kay Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) Spokesperon Alan Tanjusay, maliit pa rin ang bilang na ito kumpara sa dami ng mga Pilipinong nananatiling jobless.
Bukod sa mabagal na pagbibigay ng trabaho, pangunahing inaalala ngayon ng grupo ang pagpasok ng Delta variant sa bansa na posibleng makaapekto na naman sa kabuhayan at paghahanapbuhay ng mga manggagawa.
Dahil dito, umapela si Tanjusay sa pamahalaan na dagdagan ang vaccination centers para mapabilis lalo ang pagbabakuna sa mga essential workers.
“Well, may kaunting improvement, although medyo mabagal lang ang pagbibigay ng trabaho sa ating mga kababayan,” ani Tanjusay sa panayam ng RMN Manila.
“Pero ang aming concern ngayon ay ang pagpasok ng Delta variant sa ating bansa dahil sa tingin ho namin, kapag nakapasok ang Delta variant sa ating bansa ay talagang extreme ang epekto nito sa atin,” dagdag niya.