Itinulak ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang pagbaba ng rate ng Value-Added Tax (VAT) at pagtanggal ng exemptions dito para makalikom ng pondo ang gobyerno na hindi dadagdag sa pabigat sa ordinaryong Pilipino.
Mungkahi ito ni Lacson, matapos mapaulat na isusulong ng Department of Finance (DOF) sa susunod na administrasyon ang pagtanggal ng VAT exemption para makalikom ng P142.5 bilyon kada taon na magagamit umanong pambayad sa utang ng bansa.
Ayon kay Lacson, kung nasunod lang ang formula na isinulong niya noon pang 2018, maaari nang lumikom ng hindi bababa sa P117 bilyon kada taon na dagdag na tax revenues.
Paliwanag ni Lacson, hindi bababa sa 143 ang lines of exemption sa VAT sa Pilipinas na ginamit ng ilang kumpanya mula pa noong 1990s kaya nabawsan ang maaaring makuhang dagdag na pondo galing sa mas mataas na VAT rate.
Kaya giit ngayon ni Lacson, limitahan ang VAT exemptions sa “necessities” tulad ng pagkain, agrikultura, kalusugan at edukasyon para maging “simpler, fairer and more efficient” ang sistema ng VAT.
Diin pa ni Lacson, ibaba ang rate ng VAT mula 12% sa 10% katulad sa ibang bansa na mas maayos ang ekonomiya kahit mas mababa ang VAT rates at kaunti ang exemptions.