Iginiit ni Committee on Health Chairman Senator Christopher Bong Go na mahalagang mapag-aralan munang mabuti ang dahan-dahang pagluluwag at pagbaba sa Alert Level 1 lalo na sa Metro Manila.
Ayon kay Go, marami na tayong natutunan at nalampasang mga pagsubok sa ating pakikipaglaban sa pandemya, bumababa na rin ang kaso ng COVID-19 at tumataas ang bilang ng mga bakunado sa bansa.
Sa kabila nito ay sinabi ni Go na huwag muna tayong maging kumpiyansa dahil delikado pa rin ang panahon hanggang nandito pa ang banta ng COVID-19.
Mungkha ni Go, siguraduhin na nakalatag na ang mga patakarang kailangan upang masigurong ligtas ang mga komunidad at alalahanin natin na pinakaimportante ang buhay ng bawat Pilipino.
Dapat aniyang manatili tayong disiplinado ngayong unti-unti nang nagbabalik sa normal ang ating pamumuhay.
Muling pinaalala ni Go na ang bakuna at ang pagsunod sa mga patakaran ang tanging susi at solusyon para tuluyang malampasan na ang pandemya.