Hindi pa ikinokonsidera ng University of the Philippines (UP) Pandemic Response Team na maibaba na sa Alert Level 1 ang Metro Manila sa darating na Disyembre.
Sa kabila ito ng sinabi ng OCTA Research group na maaari nang ibaba sa Alert Level 1 ang rehiyon sa susunod na buwan, dahil sa bumubuting lagay ng reproduction number o bilis ng hawaan ng COVID-19.
Sa interview ng RMN Manila kay Dr. Jomar Rabajante, tagapagsalita ng UP Pandemic Response Team, sinabi nito na mas mabuting maghinay-hinay muna sa pagluluwag dahil malaki ang posibilidad na magkaroon muli ng superspreader event sa gitna ng holiday season.
Imbes na sa Disyembre, mas mabuti aniyang ipagpaliban na lamang ito sa Enero 2022 kung saan mababawasan na ang bilang ng mga taong lumalabas sa kanilang mga tahanan.