Wala pang katiyakan kung maibababa na sa Alert Level 2 ang Metro Manila pagsapit ng Pebrero.
Reaksyon ito ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire matapos sabihin ni National Task Force (NTF) Spokesperson Adviser Dr. Ted Herbosa na posibleng ibaba na sa Alert Level 2 ang National Capital Region (NCR) pagsapit ng Pebrero dahil karamihan ng mataas na kaso ay nasa labas na ng Metro Manila.
Ani Vergeire, masyado pang maaga para magdesisyon ang Inter-Agency Task Force (IATF) kung mananatili o tuluyan nang ibababa sa Alert Level 2 ang kalakhang Maynila pagsapit ng Pebrero dahil hindi pa kumpleto ang mga datos.
Paliwanag nito, kahit bumababa na ang mga kaso sa Metro Manila marami kasi tayong mga kababayan ang hindi na nagpapa-test at nag-a-isolate na lamang kapag nakaramdam ng sintomas.
Ang ganitong sitwasyon aniya ang tinututukan ngayon ng pamahalaan.
Sinabi pa ni Vergeire na base sa mga projections, ang peak o rurok ng kaso sa NCR ay maaaring mangyari sa pagtatapos ng buwan ng Enero o sa kalagitnaan pa ng Pebrero.
Very unpredictable rin aniya ang COVID-19 kung kaya’t mahigpit nilang binabantayan ang mga datos.
Mahalaga aniyang patuloy na sumunod sa health protocols at magpabakuna o hindi naman kaya ay magpa-booster shot upang magkaroon ng karagdagang proteksyon.