Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Captain Rigor Pamittan, pinuno ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division, nasa kustodiya pa rin ng mga kasundaluhan ang mga labi nina Alias Marco, Alias Jero, at Alias Lucia na pawang mga miyembro ng pinahinang Komiteng Probinsiya Isabela at Komiteng Rehiyon Cagayan Valley.
Ayon kay Pamittan, hindi pa tukoy at inaalaman pa lamang ang mismong pangalan at lugar ng tatlong nahukay na mga NPA na pinaniniwalaang namatay dahil sa gutom batay na rin sa rebelasyon ng mga naunang sumukong rebelde.
Ayon sa mga dating rebelde na sumuko kamakailan, inabot ng sobrang pagkagutom ang tatlong mga nasabing rebelde dahil hindi na rin umano nakakababa ang mga ito mula sa bundok para makapangikil o makapanghingi ng pera at pagkain sa mamamayan.
Sakali namang maibaba na mula sa kabundukan ang mga nahukay na labi, makikipag-ugnayan ang militar sa mga residente sa lugar upang matukoy ang pagkakakilanlan at kaanak ng mga nasawing rebelde para mabigyan din ang mga ito ng maayos at disenteng libing.
Nakikiramay naman ang buong pamunuan ng 5ID sa pamilya ng mga nasawing rebelde sa pamumuno ni MGen Laurence Mina.
Matatandaan na nitong Sabado, nahukay ang mga naaagnas na mga labi ng tatlong NPA na inihukay lamang sa lupa ng may isang talampakang lalim.
Ayon pa sa militar, inilibing ng mga kasamahan sa kilusan si Alias Marco noong Mayo 24, 2022 samantalang sina Alias Jero at Lucia ay nito lamang June 22.
Samantala, muling nananawagan ang pamunuan ng 5th ID sa lahat ng mga rebeldeng nais magbalik-loob sa pamahalaan na bukas lamang ang kanilang hanay at nakahanda silang tanggapin upang hindi na matulad sa mga sinapit ng mga natagpuang bangkay ng mga rebelde.