Tiwala si Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva na hindi magreresulta sa staffing shortage sa mga ahensya ng gobyerno ang panukalang ibaba ang edad ng pagreretiro ng mga nasa gobyerno.
Ayon kay Villanueva, sa pagdinig ng Senado ay inihayag mismo ni Civil Service Commissioner Aileen Lizada na mataas ang demand sa mga manggagawa sa pamahalaan.
Tiwala si Villanueva na magbubukas pa ng maraming oportunidad para sa susunod na henerasyon ng mga civil servant ang pag-adjust sa optional retirement age ng mga kawani ng pamahalaan.
Sa pagdinig ay inusisa naman ni Villanueva mula sa Government Service Insurance System (GSIS) ang karaniwang mga dahilan kung bakit nananatili sa serbisyo hanggang umabot sa mandatory retirement age na 65 ang mga kawani ng pamahalaan.
Sagot ng mga taga-GSIS, ito ay dahil kailangan nilang makabuo ng 15 na taong serbisyo upang maging eligible sa pension, kailangan din nila ng sweldo para sa kanilang pang araw-araw at makabayad sa utang, at nais pa nilang magtrabaho.