Pagbababa sa NCR sa Alert Level 2, ‘premature’ pa ayon sa mga health expert

Naniniwala ang ilang health experts na hindi pa napapanahon na ibaba sa Alert Level 2 ang National Capital Region (NCR) at ilan pang mga lalawigan pagsapit ng Pebrero.

Ayon kay Dr. Jomar Rabajante ng UP Pandemic Response Team, kahit pababa na ang kaso sa NCR ay nanatili pa ring mataas ang naitatalang arawang kaso ng COVID-19 sa buong bansa.

Katunayan aniya, kapantay pa ng peak ng Delta variant ang halos 17,000 na bagong kasong naitala sa bansa kahapon.


“Sana yung LGUs e ma-implement kung ano yung nakalagay sa alert level. Hindi ibig sabihin Alert Level 2 e sobrang relax kasi ganito yung nawala nung December. Kung matatandaan natin, Alert Level 2 tayo noong December pero parang free na lahat, yung iba hindi nagma-mask sa labas e,” saad ni Rabajante sa panayam ng RMN Manila.

“Kung tatanungin kami, kung kasama kami dun sa IATF, baka pwedeng after a week pa kasi kung iko-compute natin yung tinatawag nating average daily attack rate o ADAR, mataas pa po.”

“Actually, kung titingnan yung new cases natin ngayon, halos kapantay nung peak nung Delta,” dagdag niya.

Giit naman ni Dr. Anthony Leachon, posibleng mas mataas pa sa 17,000 ang totoong bilang ng bagong kaso kahapon dahil hindi naman kasama sa tally ng Department of Health ang mga nagpopositibo sa antigen testing.

Aniya, dapat ay pinadaan muna ang lahat ng potential superspreader events gaya ng Chinese New Year at Valentine’s Day bago ibaba ang alerto sa Pebrero 15.
“Sa’kin naman, hindi naman life and death situation na mag-alert level 2 ngayon kasi Alert Level 3 maganda na Gross domestic product  (GDP) mo e, kaya lang masyado pang risky lalo na sa susunod na mga araw, lalo na ang vaccination rate natin hindi ready and plenty of mobility,” ani Leachon.

“Ito pa ngang 16,000 na ‘to, underreported to, kasi dito ho sa ating reporting ng Department of Health, RT-PCR lang ho ito,” dagdag niya.

Facebook Comments