Pagbabago ng sistema sa substitution ng mga kandidato, nasa kamay ng kongreso – COMELEC

Nilinaw ng Commission on Elections (COMELEC) na wala sa kanila ang kapangyarihan para baguhin ang sistema pagdating sa substitution ng mga kandidato.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni COMELEC Spokesperson Director James Jimenez na kinakailangang manghimasok ang kongreso sa ilalim ng batas kung gusto talaga itong amyendahan.

Kasunod nito, ipinaliwanag ni Jimenez na nagkaroon sila ng patakaran sa substitution para sa mga lehitimong nagbago ang isip at kinakailangang palitan ng isa pang kapartido.


Ayon sa COMELEC, ang mga miyembro ng parehong political party lamang ang pinapayagang maging substitute kapag may isang umatras, na-disqualify o di kaya ay nasawi matapos ang last day ng filing ng Certificate of Candidacy.

Samantala, sinabi naman Labor Secretary Silvestre Bello III na nasa 80 percent ang posibilidad na magbago pa ang line-up ng PDP-Laban bago ang November 15 na deadline ng substitution ng mga kandidato sa 2022 elections.

Facebook Comments