Pinaguusapan na ng mga lider ng dalawang kapulungan ng Kongreso kung kakailanganin pa ba ng adjustment sa legislative calendar dahil sa banta pa rin ng COVID-19.
Sa virtual meeting ng Defeat COVID-19 Committee, sinabi ni Speaker Alan Peter Cayetano na nakipag-ugnayan na si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri tungkol sa legislative calendar sa gitna ng sitwasyon sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Kasalukuyang nakabakasyon ngayon ang Senado at Kamara at sa May 4 nakatakda naman ang pagbabalik ng sesyon.
Ayon kay Cayetano, nasa proseso pa rin sila ng paguusap kung kakayanin nilang bumalik sa Mayo 4 o gagawin na rin lang munang virtual ang sesyon.
Tiniyak ng Speaker na kung ano ang makabubuti sa bansa at kung sa paanong paraan sila makatutulong ay siya nilang gagawin.
Nakahanda rin umano silang mag-convene ng special session kung magpapatawag nito si Pangulong Duterte.