Tiniyak ni Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go sa publiko na lahat ng hakbang ng pamahalaan para tugunan ang COVID-19 pandemic ay pinag-aralang mabuti at naka-base sa science.
Pahayag ito ni Go sa harap ng mga pagbabago o bahagyang pagluwag sa mga protocol na ipinapatupad ng pamahalaan.
Inihalimbawa ni Go, ang hindi na pag-require ng RT-PCR test sa mga lokal na turista kung sila ay fully vaccinated o nakadalawang dose na ng COVID-19 vaccine gayundin ang pagbaba sa 7 days mula sa dating 14 days quarantine period para sa mga bakunado na.
Diin ni Go, sa unti-unting pagbubukas sa quarantine protocols at iba pang hakbang ng pamahalaan ay palaging binibigyan ng mabigat na konsiderasyon ang kalusugan at buhay ng bawat Pilipino.
Dahil dito ay nakikiusap si Go sa taumbayan na magpasensya at huwag magalit sa mga paulit ulit na implementasyon ng quarantine strictions at iba pang protocols dahil para ito sa kaligtasan ng lahat.
Kasabay nito ay hinikayat din ni Go ang lahat ng magpabakuna para magkaroon ng proteksyon laban sa malubhang kaso ng COVID-19 at para makaagapay sa unti-unting pagbubukas ng ekonomiya at pagluluwag para sa ligtas na pagbyahe.