Nilinaw ni Valenzuela City Rep. Eric Martinez na walang mangyayaring pagbabago sa mga posisyon o pwesto sa House leadership kung handang makipagtulungan ang lahat ng mga opisyal sa pamumuno ni House Speaker Lord Allan Velasco.
Ayon kay Martinez, isa sa kaalyado ni Velasco, inaasahan nila ang maayos na pakikipagkasundo sa lahat ng mga Deputy Speakers at Chairman ng mga House Committees kung saan mananatili sila sa pwesto kung gagawin nila ng tama ang kanilang trabaho.
Aniya, sakali naman ayaw nila ng pamumuno ni Velasco at taliwas ang kanilang ginagawa sa legislative agenda ng House of Representative gayundin sa nais ng Pangulong Rodrigo Duterte, siguradong magkakaroon ng pagbabago sa kanilang pwesto.
Matatandaan na pinalitan na ni Davao Rep. Paolo Duterte si Cavite Rep. Abraham Tolentino sa pagiging Chairman ng Committee on Accounts habang si Quezon City Rep. Helen Tan ay ibinalik bilang Chairman ng House Committee on Health matapos itong tanggalin noong nakaraang linggo.
Sinabi pa ni Martinez na mahalaga rin na may representasyon bilang Deputy Speakers ang bawat partido sa Kamara gaya na lang ng Nacionalista Party (NP) at National Unity Party (NUP) na partido ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano.
Nabatid na si Deputy Speakers Luis Raymund Villafuerte ang kumakatawan sa NP habang si Rep. Neptali Gonzales II naman ang siyang kumakatawan sa NUP.
Umaasa ang kampo ni Velasco na magiging normal na ang sitwasyon ngayon sa Kamara at mapapanatili na rin ang kaayusan dito matapos ang halos dalawang linggong kontrobersiya dahil sa pagpapalit sa house speaker.