Pagbabago sa reporting system ng DOH kaugnay sa COVID-19, umani ng batikos mula sa mga Senador

Binatikos ng mga Senador ang pagbabago na naman sa istilo ng pagrereport sa publiko ng Department of Health (DOH) ukol sa datos kaugnay sa COVID-19 kung saan biglang nagkaroon ng mahigit 38,000 na nakarecover mula sa virus.

Sarkastikong napa-wow si Senator Joel Villanueva na imbes magkaroon ng mass testing ay mass recovery ang ginawa ng DOH kung saan malinaw aniya na mali ang interpretasyon nito sa data.

Sa kaniyang twitter post ay may hashtag pa si Villanueva na #DOHunreliable #WeAreBeingFooled.


Hindi naman kapani-paniwala para kay Senator Risa Hontiveros na wala pang mass testing pero may mass recovery na lubhang nakakaduda at nakakalito.

Ayon kay Hontiveros, kung mali-mali ang data ay hindi tayo makakatugon ng tama at maayos sa pandemya.

Apela ni Hontiveros sa DOH, huwag ng dagdagan pa ang pagod, takot o pagkabalisa ng taumbayan dahil sa patuloy na pagkalat ng virus.

Giit naman ni Senator Francis Kiko Pangilinan sa DOH, itigil ang pagdoktor sa mga data at impormasyon ukol sa COVID-19.

Facebook Comments