Simula kahapon ay ipinatupad na sa Parañaque Integrated Terminal Exchange ang bagong rate sa parking fee kung saan kalahati ang itinaas ng rate para sa overnight parking fee.
Kung dati nasa 150 pesos lang ang overnight parking fee at flat rate mula 1:30 AM hanggang 5:00 AM, ngayon ay nasa 300 pesos na para sa parehas na oras at may karagdagang P15 na bayad kada oras.
Kaya naman, kapansin-pansin na kakaunti na ngayon ang mga nakaparadang sasakyan o yung mga nag-overnight parking, kumpara noong flat rate pa ito sa halagang P150 sa buong magdamag, kung saan madaling araw pa lang ay pahirapan na ang parking.
Para naman sa lahat ng uri ng sasakyan maliban sa motorsiklo, ang dating flat rate na P60 sa buong araw, ngayon ang 60 pesos ay para na lamang sa first three hours, at may karagdagang P15 para sa mga susunod na oras.
Magandang balita naman para sa mga motorsiklo dahil nananatiling flat rate sa buong araw ang singil na 60 pesos sa lahat ng motorsiklo.
Bukas din 24 oras ang PITX parking building para sa mga sasakyan.