Iginiit ni Committee on Health Chairman Senator Christopher Bong Go na palakasin pa ang pagbabakuna sa buong bansa lalo na sa malalayong lugar laban sa COVID-19 bago ikonsidera ang pagpapatupad ng Alert Level Zero.
Paliwanag ni Go, bago luwagan ang sitwasyon natin ay mainam na siguraduhin muna na may proteksyon ang mamamayan dahil mahirap mag-back to zero kung biglang kumalat muli ang sakit.
Bukod dito, binigyang diin ni Go na dapat ding hintayin muna ang rekomendasyon ng mga health experts at ng Inter-Agency Task Force (IATF) na siyang babasehan ng desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Go, dapat ay ibase ang mga hakbang sa science at ipagpatuloy ang maingat na pagbalanse sa kabuhayan, ginhawa at kaligtasan ng mamamayan.
Tiwala naman si Go na ang kapakanan ng mga Pilipino ang palaging isinaalang-alang ng pamahalaan habang dahan-dahan at maingat na binubuksan ang ating ekonomiya.