Pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga kabataan, isasagawa na rin sa mga malls sa Maynila

Plano ngayon ng lokal na pamahalaan ng Maynila na dagdagan pa ang mga lugar sa pagsasagawa ng pagbabakuna sa mga kabataan.

Sa pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno sa pagbisita nito sa Sta. Ana Hospital kung saan ikinakasa ang pagbabakuna sa mga edad 12 hanggang 17 anyos, simula sa Biyernes ay magkakaroon na rin ng pagbabakuna sa mga mall at iba pang area kung saan malawak at magiging komportable sa lahat.

Ito’y para sa mga kabataan at sa iba pang indibwal na kabilang sa A1 hanggang A5 categories.


Aniya, pagkakataon na rin ito para unti-unting umangat ang mga negosyo sa mga malls kung saan maaaring mamili, kumain o mamasyal habang hinihintay ng kaanak ang isa nilang miyembro na binakunahan.

Ayon pa sa alkalde, handa rin nilang bakunahan ang ibang kabataan na hindi residente sa lungsod pero kinakailangan lamang nilang magpa-rehistro sa Manila Covax.

Sisimulan na rin ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Manila Health Department na magbahay-bahay para mabigyan ng bakuna ang mga kabataan na bed ridden.

Nabatid na nasa 120,000 na suplay ng bakuna ang natanggap ng lokal na pamahalaan ng Maynila na kasalukuyang nasa storage facility ng Sta. Ana Hospital.

Sa ngayon nasa 1,102 na ang bilang ng mga kabataan na nababakunahan sa anim na district hospitals kung saan magtatapos ito hanggang alas-4:00 ng hapon.

Facebook Comments