Pagbabakuna laban sa COVID-19, dapat unahin bago magpatupad ng MGCQ at face-to-face classes

Iginiit ni Committee on Health Chairman Senator Christopher Bong Go na dapat unahin ang pagbabakuna laban sa COVID-19 bago luwagan ang quarantine restrictions sa buong bansa at bago magsagawa ng face-to-face classes.

Ayon kay Go, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay nag-aalangan pa at ayaw munang payagan ang face-to-face classes dahil delikado pa raw ang panahon.

Diin ni Go, katwiran ni Pangulong Duterte, buhay ng tao ang dapat isaalang alang kung saan pwede namang sa susunod na taon na magpatupad ng ligtas na pagbubukas ng klase sa mga paaralan.


Ipinaliwanag ni Go na bagama’t sinisikap nating ibangon ang ekonomiya ay mas dapat pa ring iprayoridad ang pagbibigay ng proteksyon sa buhay ng mamamayan.

Apela ni Go, konting tiis na lang at paigtingin muna ang ating pag-iingat habang hindi pa tayo nababakunahan sa halip na magmadali tayo na ibalik ang dati.

Dagdag pa ni Go, ang lahat ay ginagawa para magkaroon tayo sapat, ligtas at epektibong bakuna laban sa COVID-19 para sa mga Pilipino kaya maghintay na muna at huwag isugal ang buhay ng kapwa.

Paalala ni Go, ang pag-aaral ay magpapatuloy kung magsisikap tayo habang ang pera ay kikitain kung magsisipag tayo pero ang buhay na mawawala dahil sa COVID-19 ay hindi na maibabalik pa.

Sabi naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, pairalin ang common sense at sa mga lugar na kokonti o wala nang kaso ng COVID-19 lamang magpatupad ng modified general community quarantine.

Facebook Comments