Napuna sa pagdinig ng Senado ang kawalan ng sistema sa pagbabakuna ng anti-rabies sa mga alagang aso sa bansa sa gitna na rin ng pagtaas ng kaso ng rabies sa bansa.
Ngayong araw ay tinalakay sa Mataas na Kapulungan ang panukalang batas na Revised Animal Welfare Act na layong mas paigtingin pa ang proteksyon at pangangalaga sa mga hayop kabilang na rito ang mga stray animals.
Matatandaang sunud-sunod ang mga napabalitang pagpapabaya, pananakit at pagpatay sa mga aso at pusa dahilan kaya itinulak ng husto sa Senado na agad mapagtibay ang Revised Animal Welfare Act.
Aabot sa P10 million ang pondo ngayong taon para sa bakuna laban sa anti-rabies pero ito ay hindi pa nasisimulan ng Bureau of Animal Industry (BAI) na nasa ilalim ng Department of Agriculture (DA).
Hindi direktang matukoy ni Dr. Oscar Cabanayan, Veterinarian IV ng Animal Health and Welfare Division, kung kailan mabibili ang mga bakuna laban sa anti-rabies at naghihintay pa sila ng abiso para rito.
Inamin din ni Cabanayan na sa nakalipas na tatlong taon ay walang pondo para sa anti-rabies vaccine at ngayon lamang 2024 naibalik.
Sa distribusyon naman ng bakuna sa anti-rabies ay pinipili ng ahensya ang mga lugar na may mataas na kaso at doon mas ibinibigay ang mga bakuna.