SAN NICOLAS, PANGASINAN – Naghahanda na ang lokal na pamahalaan ng San Nicolas sa pagbabakuna ng COVID 19 Vaccine sa edad 12-17.
Sinimulan na nito ang pagkalap ng mga impormasyon sa pamamagitan ng Personal Health Information Registration.
Gagawin ang house-to-house na pamimigay ng form sa mga ito ng BHERTS at nakatakdang magsagawa ng interview sa mga kabataan na maaaring mabakunahan.
Ito umano ay bilang pagtugon sa panawagan ng Department of Health (DOH) pagkatapos pagtibayin ng COVID-19 Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases o IATF ang pagsisimula ng pagbabakuna sa mga kabataan na may comorbidity.
Habang hinihintay ang “Green Light” o kung kailan ang araw na itatakda ng DOH sa pagbabakuna sa probinsya, aayusin na ang profiling ng mga kabataang pasok sa panuntunan na inilabas ng IATF bilang priority sa gaganaping pagbabakuna sa mga menor de edad.
Nanawagan naman ito sa mga kabataan na makibahagi upang maabot ang herd immunity sa San Nicolas.