Handa ang pamahalaan na makapagturok ng 250,000 doses ng COVID-19 vaccines sa kada araw sa oras na sumailalim na ulit sa lockdown o Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila simula August 6-20, 2021.
Pahayag ito ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos sa harap ng napipintong pagsailalim ng National Capital Region (NCR) sa ECQ kung saan gagamitin ng pamahalaan ang pahanong ito upang palakasin ang vaccination program ng gobyerno.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Chairman Abalos na nitong mga nakalipas na araw, naga-average na sa 110,000 doses ang naituturok ng pamahalaan kaya’t hindi aniya malabo ang target na 250,000 doses ng gobyerno.
Sa kasalukuyan, ang tinututukan nila ay ang mga paghahanda sa pagbabakuna kasabay ng mga pag-ulan.
Nakabantay aniya sila sa ulat panahon at nakikipag-ugnayan sila sa pribadong sektor upang mailipat sa mga mall ang ilang vaccination sites.
Bukod pa aniya ito sa mga ginagawa ng mga Local Government Units (LGUs) tulad ng pag-aalok ng drive-thru at bakunahan nights.