Prayoridad ng pamahalaan na mabakunahan ang nasa A4 at A5 category sa NCR Plus areas maging sa Cebu at Davao.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na focus ng pamahalaan na maturukan ng bakuna kontra COVID-19 ang mga nabanggit na lugar na dahil dito nananatiling mataas ang kaso o itinuturing na high-risk areas.
Pasok sa A4 category ang iba pang frontliners tulad ng pulis, sundalo, vendors, nasa food delivery services, mga nasa supermarkets at grocery, security guards, guro, mga pari, kagawad ng media at maraming iba pa.
Habang ang A5 naman ay low-income families o mga mahihirap.
Una nang sinabi ng National Economic and Development Authority (NEDA) na 36% ng ekonomiya ng bansa ang nakasalalay sa Metro Manila at karatig lalawigan kung kaya’t prayoridad na mabakunahan ang mga tinaguriang economic drivers upang magbalik siglang muli ang ating ekonomiya.