Naghahanda na ang ilang Local Government Units (LGUs) sa Metro Manila para sa nakatakdang pagbubukas ng bakunahan sa mga sakop ng A4 at A5 priority groups at ang mga economic frontliner at mga mahihirap.
Kasunod ito ng sinabi ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na maaaring umpisahan ang pagtuturok sa A4 group sa susunod na buwan o kapag “steady” na ang supply ng bakuna.
Sa Valenzuela, sinimulan na ang paglilista ng lokal na pamahalaan ng mga pangalan ng mga nagtatrabaho sa mga factory sa lungsod para hindi magdagsaan sa mga vaccination site.
Hinihintay naman ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang pinal na guidelines mula sa Inter-Agency Task Force (IATF) habang nagpapatuloy ang online registration para sa pagbabakuna.
Tinatayang maaari namang lumagpas sa 30 milyong mga Pilipino ang posibleng bakunahan kapag pinayagan na ang A4 at A5.
Sa San Juan, sinabi ni Mayor Francis Zamora na nasa 12,953 na lamang ang first doses na natitirang bakuna at nagpapadala pa raw ang Department of Health (DOH) ng dagdag na supply kapag nauubos na ito.
Ihihirit naman ng pribadong sektor sa DOH na payagan silang gamitin munang pang-first dose ang mga AstraZeneca vaccine na darating sa Hunyo.
Kaya kung papayag ang DOH, inaasahang aabot sa 1.2 milyong manggagawa ang agad na mababakunahan.