Pagbabakuna sa A4 priority group, sisimulan na ng pamahalaan ngayong araw

Aarangkada na ngayong araw ang pagbabakuna sa A4 priority group o mga essential workers.

Nabatid na nagpapatuloy ang pagbabakuna sa A1 (healthcare workers), A2 (senior citizens), at A3 (persons with comorbidities).

Ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, ang hakbang na ito ay makakatulong para mapabilis ang pagbangon ng ekonomiya mula sa pandemya.


Hinihikayat ng DOH ang mga local government units (LGUs) na palakasin ang hakbang na maabot ang dalawang vulnerable sectors.

“Malaking bagay kasi sila yung tinatawag natin na economic frontliners. Napakamahalaga na sila ay maumpisahan na nating mabakunahan,” ani Duque.

Sinabi naman ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, umaasa sila na magiging maganda na ang pagdiriwang ng Pasko ngayong taon.

Kaya hinihikayat ni Concepcion ang publiko na magpabakuna laban sa sakit.

“We really want to open the economy and have a merry Christmas— itong taon na ito — but we have to achieve at least in NCR Plus a herd immunity,” sabi ni Concepcion.

Sa datos ng National Economic and Development Authority (NEDA) na nasa 35.5 million individuals ang target na mabakunahan sa ilalim ng A4 priority sector.

Facebook Comments