Inilarga na rin ng iba’t ibang lungsod sa Metro Manila ang pagbabakuna sa A5 Priority Group na binubuo ng indigent population.
Sa Maynila, tag-1,000 doses ng bakuna ang inilaan sa walong inoculation sites sa lungsod, kabilang ang Baseco Compound kung saan Pfizer vaccines ang ituturok.
Habang alas-4:00 pa lang ng madaling araw, nakapila na ang mga magpapabakuna sa Caloocan Central Elementary School at lima pang vaccination sites.
Kasabay nito, ipinagmalaki ng Caloocan City Health Office na pumapangalawa ang kanilang lungsod sa Metro Manila pagdating sa vaccination utilization rate.
Samantala, kahapon pa nang simulan ng lokal na pamahalaang lungsod ng San Juan ang pagbabakuna sa mahihirap nilang residente.
Umaasa naman si Marikina City Mayor Marcy Teodoro na masisimulan na rin nila ngayong buwan ang pagbabakuna sa mga residente nilang pasok sa A5 category oras na dumating na ang vaccine supply para rito.