Pagbabakuna sa general adult population sa bansa, maaari ng simulan ayon sa DOH

Inihayag ng Department of Health (DOH) na bukas na ang pagbabakuna sa general adult population sa bansa o mga may edad 18-anyos pataas laban sa COVID-19.

Ayon kay Health Usec Ma. Rosario Vergeire, batay ito sa pahayag ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. kung saan may sapat nang suplay ng bakuna sa bansa.

Nilinaw naman ni Vergeire na nananatiling prayoridad pa rin sa pagbabakuna ang mga A2 o Senior Citizen at A3 o persons with commorbidities.


Nabatid kasi na nais masiguro ng DOH ang kaligtasan ng mga nasa A2 at A3 priority group sa gitna ng mas malaking panganib dulot ng COVID-19.

Kaugnay nito, hinikayat ni Vergeire ang mga nakatatanda at mga may commorbidity na magpabakuna na bilang proteksyon laban sa sakit.

Ngayon linggo inaasahang mailalabas ang operating guidelines ukol sa pagbabakuna sa general adult population kung saan sinabi ni Usec. Vergeire na pinaiikot na lamang ang kopya nito para sa kailangang mga lagda.

Sa huli, iginiit ni Vergeire na bahala na ang mga Local Government Unit kung magsasagawa pa sila ng pre-registration sa gagawing pagbabakuna sa general adult population.

Facebook Comments