Pagbabakuna sa ibang nasa priority list sa Lungsod ng Maynila, sisimulan na

Bukod sa medical frontliners, sisimulan na rin ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila ang pagbabakuna sa ibang nasa priority list ngayong araw.

Ito’y matapos na makakuha ng karagdagang 7,890 doses ng AstraZeneca vaccines at 1,400 doses ng Sinovac vaccines mula sa national government.

Ang mga nasabing bakuna ay dadalhin sa Ospital ng Maynila Medical Center at sa Sta. Ana Hospital.


Kabilang naman sa mababakunahan ang mga kawani ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office, contact tracers, social workers, mga miyembro ng Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTS) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) personnel.

Kaugnay nito, hinihikayat ni Mayor Isko Moreno ang lahat ng kabilang sa priority sectors na magpabakuna na bilang dagdag proteksyon sa sarili at sa komunidad na kanilang kinabibilangan.

Samantala, umaabot na sa 115,873 na mga residente ang nakapagpa-rehistro para makakuha ng libreng bakuna kontra COVID-19.

Nabatid na matapos ang pagbabakuna sa mga frontline workers, agad na babakunahan ang mga nagparehistro sakaling dumating na ang karagdagang suplay ng bakuna na binili ng lokal na pamahalaan.

Facebook Comments