Pagbabakuna sa ilang Chinese nationals sa Pasay, iniimbesitgahan ng DOH

Iniimbestigahan na ng Department of Health (DOH) ang ulat na ilang Chinese nationals ang nabakunahan ng COVID-19 vaccines sa Pasay City.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, hindi malinaw kung ano ang naging batayan para mabigyan na ng bakuna ang mga ito.

Aniya, kakausapin din nila ang Pasay Local Government Unit (LGU) kung ito man ay may katotohanan.


“Papaimbestigahan natin iyan kasi hindi malinaw sa amin ang ulat na iyan, kung ano ba ang naging batayan. So we will have that investigated ‘no kung totoo nga ba ito at kausapin ang pamahalaang lokal na kung saan ito po ay nagaganap at bigyan sila ng stern warning na hindi dapat nangyayari ito dahil nilalabag po natin ang ating prioritization framework,” ani Duque.

Una nang sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang naturang mga dayuhan ay dumaan sa regular na proseso ng pagbabakuna at hindi sila nabigyan ng special treatment sa vaccination sites.

Dagdag pa ng alkalde, nagsumite rin ng Barangay Certificates at Medical Certificates na nagsasabing sila ay residente ng lungsod ng Pasay at kabilang sila sa A2 o A3 priority groups.

Facebook Comments