Aarangkada na ngayong araw ang bakunahan sa lahat ng mga kabataang edad 12 hanggang 17 sa National Capital Region (NCR).
May comorbidity man o wala ay tuturukan ng COVID-19 vaccine ng Pfizer at Moderna na tanging aprubadong bakuna ng Department of Health (DOH) para sa mga kabataan.
Ayon kay DOH Usec. Myrna Cabotaje, sa mga ospital pa rin babakunahan ang mga menor de edad na may comorbidity habang ang mga walang sakit ay sa mga regular na vaccination site.
Kahapon, nauna nang magbakuna ng mga kabataang walang comorbidity sa Navotas, Taguig at Iloilo City.
October 15 nang simulan ang pagbabakuna sa mga menor de edad na may comorbidity sa ilang piling ospital sa Metro Manila.
Sa Biyernes, November 5, palalawigin ang pediatric vaccination sa iba pang bahagi ng bansa.
Samantala, nasa 37,964 na kabataan na ang nabakunahan kontra COVID-19.