Pinaghahanda na ni Senador Win Gatchalian ang mga Local Government Units (LGU) para sa nakatakdang pagsisimula ng pagbabakuna sa mga kabataang may edad na 5 hanggang 11.
Pahayag ito ni Gatchalian, makaraang aprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang paggamit sa Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccine para bakunahan ang mga kabataan sa nabanggit na age group.
Giit ni Gatchalian, na siya ring chairman ng Committee on Basic Education, napapanahon na ang pagbabakuna sa ating mga kabataan para matiyak din ang kanilang kaligtasan sa muling pagbabalik ng face-to-face classes sa kabila ng banta ng Omicron variant.
Paliwanag ni Gatchalian, kung marami sa mga kabataan ang mababakunahan ay mas tataas ang kumpiyansa ng mga mag-aaral at kanilang mga magulang.
Kaugnay nito ay hinimok din ni Gatchalian ang National Task Force Against COVID-19 na tulungan sa pagbabakuna ng mga bata ang mga LGU na tinamaan ng Bagyong Odette.
Diin ni Gatchalian, mahalaga ang agarang pagbabakuna sa mga kabataan sa mga lugar na nasalanta ng bagyo, lalo na’t hinaharap nila ang pinagsamang banta ng COVID-19 at pinsala ng bagyo.