Pagbabakuna sa mga bedridden, muling ipinagpatuloy ng Manila LGU

Ipinagpatuloy muli ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pagbabakuna sa mga residente nila na mga bedridden.

Mismong ang mga tauhan ng Manila Health Department ang nagtutungo sa mga barangay na mayroong nagpatala na nais mabakunahan kung saan ang maaaring mabigyan ng bakuna ay ang mga bedridden na 18-anyos pataas.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Maynila, dapat na may permiso ng pamilya o doktor ng pasyente bago bakunahan ang mga bedridden dahil sa posibleng mayroon silang pre-existing condition.


Nabatid na mula nitong nakalipas na araw, nasa higit 50 bedridden na residente na ang nabakunahan sa pamamagitan ng home service vaccination ng Manila Health Department.

Karamihan sa mga nabigyan ng bakuna ay mga senior citizen na kasama sa vulnerable sector bunsod na rin ng COVID-19 pandemic.

Ang iba naman na mga residente ng lungsod na bedridden na nais magpabakuna ay maaaring makisuyo sa kanilang pamilya para magpalista sa kani-kanilang barangay upang i-request ang home service vaccination.

Facebook Comments