Hiniling ni opposition Senator Leila de Lima sa Inter-Agency Task Force o IATF na iprayoridad din sa pagbabakuna kontra COVID-19 ang mga Person Deprived of Liberty o PDL.
Sa liham kay IATF Chief Implementer Sec. Carlito Galvez, binigyang diin ni De Lima na nanganganib na mahawaan ng COVID-19 ang mga bilanggo.
Paliwanag ni De Lima, ito ay dahil sa siksikang kondisyon sa mga bilangguan kung saan mahirap masunod ang minimum health standards tulad ng physical distancing.
Dinagdag pa ni De Lima, na ang mga PDL ay kulang din sa nutrisyon, kalinisan at access sa health care services.
Giit pa ni De Lima, ang mga PDL ay may karapatan ding maprotektahan ang kapakanan at kalusugan.
Paalala pa ni De Lima, karamihan sa mga bilanggo ay nililitis pa lang at hindi pa napapatunayang nagkasala kaya magiging kawalan ng katarungan para sa kanila kung mahahawaan ng COVID-19 kahit pwede naman silang bakunahan na rin.