Sinimulan na ang pagbabakuna sa mga delegado ng Olympics at Southeast Asian Games (SEA Games) na ginanap sa Manila Prince Hotel sa lungsod ng Maynila.
Ito’y bilang isa sa kanilang requirements at pagsisiguro na rin para sa kanilang kaligtasan sa pagpunta sa ibang bansa.
Nasa 730 na atleta, trainer, staff at mga opisyal ng Philippine Olympic Committee ang nakatakdang mabakunahan gamit ang Sinovac vaccines.
Pinangunahan ng Manila Health Department (MHD) kasama ang ilang opisyal ng Philippine Olympic Committee ang pagbabakuna bilang pagsunod sa alituntunin na inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Ayon kay Abraham Tolentino, presidente ng Philippine Olympic Committee, ang mga nasabing delegado ay pawang mga nagparehistro sa kanilang portal para magpabakuna.
Para maiwasan ang pagdagsa ng tao, batch-by-batch ang ginagawang pagbabakuna sa mga delegado na sinimulan kaninang alas-9:00 ng umaga at magpapatuloy hanggang hapon.
Matatandaan na inaprubahan ng IATF ang rekomendasyon ng National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) na bigyang prayoridad ang mga atleta, coach, delegado at iba pang opsiyal na kasama sa olympics at SEA Games.
Gaganapin ang Olympics sa Tokyo, Japan sa July 23 hanggang August 8 habang sa Vietnam naman gaganapin ang SEA Games mula sa November 21 hanggang December 2.