Pagbabakuna sa mga essential workers, pinamamadali na

Hinimok ni Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) Partylist Rep. Raymond Democrito Mendoza ang pamahalaan at mga business owners na madaliin ang pagbabakuna sa mga manggagawa.

Ang panawagan ng kongresista ay kasunod ng pag-akyat ng mga essential workers sa A4 category ng priority list mula sa B5 kung saan kasama rin dito ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at mga seafarers.

Punto ng mambabatas, higit na mas matatag na proteksyon laban sa COVID-19 ang bakuna kumpara sa mga dole outs o ayuda.


Kung lahat aniya ng empleyado ay mababakunahan ay tiyak ang agad na pagbabalik operasyon ng mga kompanyang nagsara at pagbabalik trabaho ng mga empleyado at mga manggagawa na natigil sa hanapbuhay ngayong pandemya.

Iginiit pa ni Mendoza na sa pamamagitan ng mabilis na vaccination roll out sa mga workers ay maliligtas hindi lamang ang mga manggagawa kundi pati ang kanilang trabaho at pamilya.

Bukod dito ay mabubuksan na muli ang ekonomiya ng bansa.

Samantala, positibo rin ang tugon ng mambabatas sa pag-classify ng Employees’ Compensation Commission (ECC) sa COVID-19 bilang compensable disease.

Facebook Comments