Tiwala ang pamahalaan na matapos sa kalagitnaan ng taon ang pagbabakuna sa healthcare workers at senior citizens laban sa COVID-19.
Ayon kay National Task Force Against COVID-19 Deputy Chief Implementer at Testing Czar Sec. Vince Dizon, nasa 1.4 million Coronavirus vaccine mula Sinovac Biotech at COVAX Facility ang inaasahang darating sa bansa ngayong buwan.
Iba pa aniya ito sa na-commit ng World Health Organization (WHO) na 117,000 doses ng Pfizer vaccine na darating sa April.
Paliwanag ni Dizon, nasa 1.7 million ang health workers sa bansa kaya kailangan ang 3.4 million doses ng bakuna.
“Nag-commit na po ang WHO na darating po iyong 117,000 doses ng Pfizer ngayong Abril, sa susunod na buwan. Kaya malaking bagay din po ito lalung-lalo na para sa ating mga healthcare workers na priority nating matapos hanggang sa buwan ng Abril at Mayo.”
Tiniyak din ni Dizon na sunod na mabibigyan ng bakuna ang non-medical at economic frontliners.
“Ang hinihintay lang po natin talaga ay iyong pagpasok nang mas maraming supply para matapos na po natin ang priority sectors natin at makapunta na po tayo sa general population.’
Nabatid na target ng pamahalaan na mabakunahan ngayong taon ang 70 million indibidwal o two-thirds ng population ng bansa.