Pagbabakuna sa mga Isabeleños, Tumataas na- Dr. Lazaro

Cauayan City, Isabela- Araw-araw na umano na tumataas ang bilang ng mga nabakunahan kontra COVID-19 sa lalawigan ng Isabela.

Ito ang inihayag ni Assistant Provincial Health Officer Dr. Arlene Lazaro sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.

Ayon kay Lazaro, kaya umanong magbakuna ng 10,000 hanggang 12,000 kada araw basta tuloy-tuloy ang gagawing vaccination rollout.


Sinabi pa nito na nasa 18.5% na ang vaccination rate mula sa target na 70%.

Binigyang diin rin na mataas ang consumption rate o mabilis na ang ginagawang pagbabakuna sa lalawigan kung kaya’t halos tuloy-tuloy na ang naipapadalang bakuna dahil epektibo umano ang istratehiya na ginagawa ng pamahalaan ng Isabela.

Dagdag pa ni Dr. Lazaro, nasa 13% pa lang ang fully vaccinated na mga Isabeleños mula sa 70% na target projected population.

Samantala, aarangkada muli ang “Resbakuna on Wheels” sa mga piling lugar na magsisimula bukas, Oktubre 26, 2021 gaya ng Roxas, Cabagan at Echague.

Facebook Comments