Pagbabakuna sa mga medical frontliner sa ilan pang ospital sa Metro Manila, nagsimula na

Matapos ang opisyal na pag-arangkada ng national vaccination program kahapon, sinimulan na rin ng mga local government unit (LGU) ang simbolikong pagbabakuna sa mga medical frontliner sa ilan pang ospital sa Metro Manila.

Sa Maynila, 200 healthcare workers mula sa anim na district hospital ang target na mabakunahan ngayong araw na isasagawa sa Sta. Ana Hospital.

Bilang isang doktor, kabilang sa mga nabakunahan si Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan habang hindi muna nagpabakuna si Mayor Isko Moreno bilang pagsunod sa priority list.


Samantala, aabot na sa 1,900 health workers sa Maynila ang nagpalista para mabakunahan.

Alas 10:00 kaninang umaga naman nang magkasabay na ilunsad ang vaccine rollout sa Pasig City General Hospital at Marikina City Sports Complex.

Nasa 1,500 healthcare workers ng Amang Rodriguez Memorial Medical Center ang tatanggap ng bakuna ngayong araw.

Gaya ni Mayor Isko, hindi rin muna pinayagang makapagpabakuna si Marikina Mayor Marcy Teodoro dahil kailangang unahin ang mga medical workers.

Personal namang sinasaksihan nina Mayor Vico Sotto, Testing Czar Bench Dizon, DOH Regional Director Napoleon Arrevalo at DILG Undersecretary Epimaco Dencing ang pababakuna sa Pasig City.

Samantala, tinatayang 100 medical at non-medical workers ng Pasay City General Hospital ang nakatakdang mabakunahan ng Sinovac vaccines ngayong araw.

Sinimulan na rin ang pagbabakuna sa ilan pang mga ospital sa Taguig at Quezon City.

Facebook Comments