Ipapaubaya na ng Department of Health (DOH) sa Local Government Units (LGU) ang pagpapasya kung magsasagawa rin ng bakunahan sa evacuation sites sa bansa.
Ayon kay DOH Undersecretary Myrna Cabotaje, mas prayoridad nila sa ngayon ang relief at rescue operations.
Pero kung maayos naman ang lagay ng mga residente sa evacuation sites at bukas ang lahat sa pagbabakuna, pabor naman dito ang DOH.
Sa ngayon, nagsasagawa na ng assessment ang DOH kung may mga bakunang nasira sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Odette.
Patuloy rin itong nakikipag-ugnayan sa Office of the Civil Defense (OCD) upang makita ang lagay ng mga bakuna.
Nitong Sabado, batay sa datos ng National COVID-19 Vaccination Boards, nasa mahigit 100 milyong doses na ang naiturok sa bansa matapos ang 2nd round ng ‘Bayanihan, Bakunahan’.
Sa nasabing bilang, 56,167,765 ang naiturok bilang unang dose habang 43,351,844 ang fully vaccinated.
Nasa 1,081,200 na Pilipino naman ang nakatanggap ng booster shot.