Pangungunahan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Debold Sinas ang gagawing vaccination campaign ngayong umaga sa Camp Crame.
Orihinal na nakatakdang isagawa ang vaccination sa PNP General Hospital, pero sisimulan ito ngayong alas-9:30 ng umaga sa Multi-Purpose Center ng Camp Crame.
Ang PNP General Hospital ang isa sa mga ospital sa Metro Manila na makikiisa sa sabayang paglulunsad ng National Vaccination Program makaraang dumating kahapon ang unang batch ng bakuna ng Sinovac mula sa China.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Brigadier General Ildebrandi Usana, maliban kay PNP Chief, kasama din ngayong umaga sina PNP Deputy Chief for Administration at Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar; Deputy Chief for Operations at Joint Task force COVID Shield Commander Lt. Gen. Cesar Hawthorn Binag; at the Chief Directorial Staff Police Major General Joselito Vera Cruz.
Matatandaang sinabi ni Eleazar na hindi sapilitan ang pagpapabakuna sa mga pulis, ngunit sisikapin ng pamunuan ng PNP na kumbinsihin ang mga nag-aalinlangang magpabakuna.
Nang nakaraang linggo ay nasa 70% na ng mga pulis ang payag na magpabakuna mula sa 63% dalawang linggo na ang nakaraan.