Hindi dapat isantabi ang importansiya at bisa ng pagpapabakuna ng mga senior citizen bilang proteksyon sa mga sakit.
Ito ang iginiit ng Department of Health (DOH) kasabay ng pagtalima sa World Pneumonia Day.
Pinangunahan ni DOH Usec. Enrique Tayag ang unang anibersaryo ng RAISE o Raising Awareness on Influenza to Support Elderlies.
Sa nasabing aktibidad, muling ni-renew ng DOH at mga stakeholder ang commitment nila sa pagtutulungan upang pangalagaan ang kalusugan ng mga nakatatanda sa pamamagitan ng pagbabakuna.
Kasama ng DOH ang Philippine Foundation for Vaccination Inc, National Institutes of Health-Institute of Aging Health at Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases Inc. na sumusuporta sa naturang programa.
Nabatid na kabilang ang aktibidad sa programa ng DOH na 8-Point Action Agenda “Pag-iwas sa sakit” kung saan dito tututukan at poprotektahan ang kalusugan ng mga nakakatanda sa pamamagitan ng pagbabakuna kontra sa mga sakit.