Pagbabakuna sa PSG members, hindi kasama sa iimbestigahan ng Senate Committee of the Whole

Sa January 11, ay nakatakdang mag-convene ang Senate Committee of the Whole para busisiin ang vaccination program ng gobyerno laban sa COVID-19.

Ayon kay Senate President (SP) Tito Sotto III, hindi parte ng nabanggit na pagdinig ang pagbibigay ng COVID-19 vaccine sa mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) kahit wala pang aprubadong bakuna ang Food and Drug Administration (FDA).

Diin ni SP Sotto, ang kanilang pagdinig ay sisentro sa plano ng pamahalaan ukol sa pagbili, storage at distribusyon ng COVID-19 vaccine na pinaglaanan ng ₱72.5 billion na pondo.


Dagdag pa ni SP Sotto, hindi saklaw ng isinumiteng resolusyon ni Senator Kiko Pangilinan ang pagpapabakuna sa mga PSG members at mga sundalo kaya hindi ito kasama sa agenda ng imbestigasyon ng Senate Committee of the Whole.

Iginiit ni SP Sotto na pwede namang paharapin sa hiwalay na pagdinig si Presidential Security Group Commander Brigadier General Jesus Durante III.

Ito ay makaraang akuin ni Durante ang buong responsibilidad sa pagbibigay ng donasyong COVID-19 vaccine sa PSG members.

Samantala, inihain naman ni SP Sotto ang Senate Bill number 1967 o panukalang nagsusulong ng pag-renew sa prangkisa ng ABS-CBN.

Ayon kay Sotto, sa paghinto ng operasyon ng ABS-CBN ay naapektuhan ang kumpetisyon sa pagitan ng mga TV stations kaya bumaba rin ang kalidad ng mga programa.

Umaasa si Sotto na sa ilalim ng bagong liderato ng Kamara ay magkakaroon ng tsansa ang prangkisa ng Kapamilya Network na ma-renew para sa susunod na 25 taon.

Facebook Comments