Inaasikaso na ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) ang pagbabalik kay World No. 3 pole vaulter na si EJ Obiena sa Philippine national team.
Ayon sa PSC, nagpadala na sa kanila ang bagong talagang PATAFA president na si Agapito Capistrano ng liham ukol dito.
Sinabi naman ni Capistrano na maliban sa pagbabalik sa national team ay sinusulong na rin nila ang pagbibigay kay Obiena ng kaparehas na halaga ng allowance na ibinigay sa kaniya bilang world class athlete.
Wala namang nakikitang problema rito si PSC officer-in-charge Atty. Guillermo Iroy Jr. at sinabi ring inutusan na nito ang mga kaukulang ahensya upang kumilos kaugnay rito.
Matatandaang inalis si Obiena sa national team matapos akusahan siya ng PATAFA sa hindi tamang paggamit ng allowance nito.
Kamakailan lang ay sinabi ng Commission on Audit (COA) na hindi ginamit ng Pinoy pole vaulter ang pera ng gobyerno para sa ibang bagay.