Umapela si Senator Risa Hontiveros sa Kamara na magkaisa para ibalik ang P10 billion na budget para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program.
Kung matatandaan, ang Kamara ang nagtapyas ng P10 billion mula sa original budget proposal para sa AFP Modernization na P50 billion.
Sinabi ni Hontiveros na umaasa siyang maibabalik ang ibinawas na pondo lalo’t marami pa sa natitirang programa sa horizon 1 at 2 ang hindi pa naipatutupad.
Aniya, sa Bicameral Conference Committee pa ito maisasapinal kaya’t umaasa siyang magkakaisa ang Senado at Kamara para maibalik ang P10 billion na pondo sa modernisasyon.
Nasa Senate version din ang P100 million na dagdag para sa intelligence funds ng coast guard.
Tiniyak ni Hontiveros na patuloy niyang sinusuportahan ang pagsusulong ng sapat na budget para sa Philippine Navy, Coast Guard, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at iba pang mga ahensyang tumutulong sa ating mga mangingisda, sa pagprotekta sa kanilang hanapbuhay at sa likas na yamang dagat at pagpapanatili ng ating presensya sa ating marine territory.