Pagbabalik ng 100% Seating Capacity sa mga Public Transport, Ipinaliwanag ng LTFRB Region 2

Cauayan City, Isabela- Inihayag ni LTFRB Region 2 Regional Director Edward Cabase na ang muling pagbabalik sa 100% na seating capacity sa lahat ng mga pampublikong sasakyan sa rehiyon dos ay dahil sa mataas na vaccination rate o karamihan na sa mga mamamayan ay bakunado.

Ipinaliwanag niya ito sa ginanap na Launching ng PinasLakas vaccination campaign ng Department of Health Region 2 sa SM City Cauayan kung saan katuwang ng nasabing ahensya ang LTFRB sa kanilang malawakang pagbabakuna.

Nilinaw ni RD Cabase na bagamat 100% na ang seating capacity sa mga namamasadang sasakyan ay ipinapatupad pa rin ang minimum public health standards o health protocols sa mga pasahero.

Pinaigting rin ang pagbabantay sa mga transport terminal kung sumusunod ba ang mga ito sa protocol at para matiyak ang kaligtasan ng bawat mananakay at mga tsuper.

Sinabi rin ni Cabase na kasabay ng pagpayag sa isang daang porsyento ng mga pasahero sa mga sasakyan ay kinumpirma nito na nagtaas rin ang pamasahe dahil sa mataas rin na presyo ng mga produktong petrolyo.

Samantala, pinaplantsa na rin ng LTFRB ang muling pag-arangkada ng ikatlong bugso ng “LIBRENG SAKAY” sa rehiyon dos kung saan hinihintay na lamang ang service contracting 3 para sa pormal na implementasyon nito.

Facebook Comments