Pagbabalik ng 2 oras na sports activity sa mga paaralan kada linggo, iniutos ni PBBM

Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbabalik ng regular na sports activity sa lahat ng paaralan, kahit dalawang oras kada linggo para masanay ang mga kabataan sa disiplina, teamwork, at tamang pag-uugali.

Inanunsyo ito ng pangulo sa muling pagbubukas ng ni-reconstruct at ni-refurbish na PhilSports Complex sa Pasig City.

Ayon sa pangulo, dapat muling maging bahagi ng mga mag-aaral ang palakasan, simula sa simpleng intramurals hanggang sa mas malalaking kompetisyon, para maging mas mabubuting indibidwal.

Kasabay nito, ipinagmalaki ni PBBM ang malawakang pag-upgrade ng sports infrastructure ng pamahalaan na mas moderno, mas kumpleto, at handang magbigay ng world-class training, mula nutrisyon hanggang sports medicine.

Kabilang din sa mga pinagandang pasilidad ng bagong sports complex ang athlete’s dorm, sports museum, dining hall, at sports offices para sa mas komportableng training ng ating national athletes.

Giit ng pangulo, walang ibang aktibidad ang mas nagbubuklod sa bansa kundi sports.

Mula aniya sa tagumpay ng mga Olympians hanggang sa mga icon tulad nina Manny Pacquiao, Hidilyn Diaz, at Eumir Marcial, nagiging iisang tinig daw ang sambayanang Pilipino sa tuwing may atletang lumalaban para sa bandera ng bansa.

Facebook Comments