Nanawagan si Quezon City Representative Alfred Vargas sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na pag-aralan na ang pagbabalik-operasyon ng mga bike-hailing apps tulad ng Angkas, JoyRide at Move It ngayong unti-unti ay bumabalik na ang ekonomiya at lumuluwag na rin ang quarantine restrictions.
Ayon kay Vargas, batid naman niya ang pagaalinlangan ng marami sa pagpayag sa pag-angkas sa mga motor dahil sa takot na mahawaan ng impeksyon ngunit kailangan umanong ikunsidera ang sitwasyon ng mga nagbabalik-trabaho dahil sa limitasyon sa public transport at sa mga ipatutupad na protocols.
Iminungkahi ng kongresista na kung papayagan ang pagbabalik ng mga bike-hailing apps ay obligahin ang mga back-rider na magsuot ng Personal Protective Equipment (PPEs) na aprubado ng Department of Health (DOH).
Bukod sa mabilis na makakarating sa pupuntahan, mawawala ang takot ng mga sasakay sa motor na mahawa ng sakit para lamang makarating sa kanilang mga trabaho at ibang pupuntahan.
Tinukoy pa ng mambabatas na hindi hamak na mas mataas ang tsansang makakuha ng COVID-19 sa ilang oras na paghihintay sa kalsada para lamang makasakay sa bus kumpara sa pagsakay sa motor na nakasuot ng PPE.