Ngayong nasa Alert Level 1 na ang Metro Manila at 38 mga lugar sa bansa, suportado ng pribadong sektor ang pagbabalik na rin sa lugar ng paggawa ng mga empleyado.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Secretary Joey Concepcion na kapag bumalik na sa mga opisina ang mga manggagawa, makakatulong din ito upang bumalik ang sigla ng mga negosyo.
Paliwanag ni Concepcion, kapag naka-work-from-home kasi ay halos walang gastos ang mga empleyado kumpara kung sila ay pumapasok sa mga opisina.
Aniya, makakatulong ito para lumago at muling sumigla ang ating ekonomiya na pinadapa ng pandemya.
Paliwanag nito, sa kanilang hanay ay nag-umpisa nang mag back to work ang mga empleyado liban na lamang kapag Biyernes na work from home set-up.
Sinabi pa ni Concepcion na nakadepende pa rin ang desisyon sa management ng kompanya kung papayagan pa ang work-from-home arrangement ngayong umiiral na ang Alert Level 1.