Welcome development na maituturing para kay House Committee on National Defense and Security Chairman Ruffy Biazon ang pagbasura ni Pangulong Rodrigo Duterte sa terminasyon ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Naniniwala si Biazon na ang pagbisita ni US Secretary of Defense Lloyd Austin sa bansa ay nakatulong para maipabatid sa pangulo ang commitment ng Biden Administration na suportahan ang bansa sa mutual interest and benefit partikular sa mga isyung pangseguridad kaya nagbago ang isip ng presidente sa defense agreement ng dalawang bansa.
Kumpiyansa naman ang kongresista na malaking bagay sa defense at security interests ng bansa ang patuloy na kooperasyon sa matagal nang kaalyado.
Nakita naman aniya ito sa pagtiyak ng freedom of navigation at pagpigil na kontrolin ng iisang bansa lang ang South China Sea.
Dagdag pa ni Biazon, mangangahulugan din ito ng patuloy na pagpapalakas ng anti-terrorism drive ng Pilipinas lalo na sa Mindanao at magpapalakas sa kakayahan at kahandaan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa pagpapatuloy ng joint military exercises.