Pagbabalik ng raffle ng mga kaso sa mga korte, ipinag-utos na ng Korte Suprema sa pamamagitan ng video conferencing

Naglabas na ng isang circular ang Office of the Court Administrator para sa lahat ng litigants at mga court personnel sa mga first at second level courts, gayundin sa mga miyembro ng bar kaugnay ng pagsasagawa parin ng raffle sa mga kaso.

Batay sa OCA Circular 94- 2020 na, nakasaad dito na bagama’t inalis na rin ang suspensyon ng raffle ng mga bagong kaso sa mga lugar na nasa General Community Quarantine o GCQ, nanatiling suspended ang pagsasagwa ng raffle ng kaso sa mga lugar na nasa ilalim pa rin ng Enhanced Community Quarantine o ECQ.

Dahil sa ECQ, naipon ang mga kasong kailangang i-raffle.


Pero matapos ang isinagawang konsultasyon kay Chief Justice Diosdado Peralta, napagdesisyunan na payagan nang muli ang pagsasagawa ng mga raffle ng kaso kahit pa sa ilalim ng ECQ subalit ito ay isasagawa sa pamamagitan ng technology gamit ang videoconferencing.

Ayon sa OCA, sa loob ng tatlong araw mula ng maisagawa ang raffle ng kaso, kailangang maibigay narin ang minutes ng isinagawang raffle sa mga mga miyembro ng Raffle Committee para sa kanilang review, counter checking ng mga sarili nilang notes at verification ng iba pang impormasyon.

Kapag natapos na ang raffle ng kaso, kailangang maibigay din ang resulta nito sa branch ng korte kung saan napunta ang kaso at sa loob ng 24-oras kailangang mag-report ang branch clerk of court sa Office of the Executive Judge.

Ayon sa OCA, ang karaniwang electronic raffle ng mga kaso sa mga E-Court Stations ay tuloy pa rin kahit pa ang E-Court Stations at nasa ilalim ng GCQ o ECQ.

Sakali namang hindi uubra ang electronic raffle sa mga E-Court Stations sa ilalim ng mga lugar na naka-ECQ, kailangang gawin ang raffle ng kaso sa pamamagitan parin ng videoconferencing.

Facebook Comments