Pagbabalik ng ROTC, ipinarerekunsidera ni Sen. Risa Hontiveros

Umapela si Senator Risa Hontiveros na irekunsidera ng mga proponents ang pagsusulong ng Mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC) Bill.

Ayon kay Hontiveros, mas lalong tumingkad o luminaw ang dahilan para hindi na ituloy ang pagbuhay sa mandatory ROTC program matapos na masawi sa hazing ang Adamson University student na si John Matthew Salilig.

Tinukoy rin ng senadora na ang pagpatay rin kay Mark Welson Chua na isang UST student, ang siyang dahilan kaya itinigil noon ang ROTC program matapos na ibulgar ng kadete ang mga isyu ng katiwalian sa programa.


Dahil sa mga ganitong karahasan, iginiit ni Hontiveros na walang sapat na dahilan para buhayin pa ang mandatory ROTC program.

Sa halip na magwaldas aniya ng bilyung-bilyong pisong pondo para sa ROTC program ay mas palakasin na lang ng pamahalaan ang Literacy Training Service (LTS).

Pinayuhan ni Hontiveros na mas dapat pagbutihin ng mga nagsusulong ng ROTC ang kanilang recruitment approaches sa ilalim ng NSTP o National Service Training Program para makahikayat ng mga enrollees at huwag nang ipilit sa mga kabataan ang ROTC dahil magkakaiba naman ang mga estudyante ng interes at paraan ng pagpapakita ng pagkamakabayan.

Facebook Comments