Inaprubahan na ng House Committee on Basic Education and Culture ang resolusyong nagsusulong na ibalik ang pagbubukas ng klase sa Hunyo hanggang Marso sa school year 2025-2026 mula sa kasalukuyang Agosto hanggang Mayo.
Ang hakbang ng komite na pinamumunuan ni Pasig City Rep. Roman Romulo ay kasunod ng mga pagdinig kung saan inimbitahan ang Department of Education o DepEd, grupo ng mga guro at magulang, at iba pang stakeholders.
Sa pagdinig ay inihayag ni Director Leila Areola ng DepEd na may nabalangkas ng memo para sa pagbabalik ng orihinal na June-March school calendar na ipapatupad ng unti-unti.
Binanggit din ni Areola, na tapos na rin ang konsultasyon nila sa mga stakeholder at isasagawa rin ang konsultasyon sa mga field offices at regional directors’ ng DepEd alinsunod sa deriktiba ni Education Sec. Sara Duterte.
Sabi naman ni Marcelino Villafuerte ng PAGASA sa June-March school calendar, ay mababawasan ang araw ng pasok sa klase na “extremely hot ang temperature” bukod sa hindi rin magiging maulan ang graduation day pero magkakaroon naman ng mga kanselasyon ng klase dahil sa bagyo o masamang lagay ng panahon.